MANILA, Philippines - Dinakip ng pulisya ang isang mag-asawa makaraang iturong may kinalaman sa pagkasawi ng isang dalagita na namatay sa bugbog noong Marso 15 sa Caloocan City.
Isinasailalim ngayon sa imbestigasyon ng pulisya ang mga inaresto na sina Edwin Alcala at misis nitong si Jefrel Tublano, naninirahan sa MRH Site, Malaria, ng naturang lungsod.
Inireklamo ang mga ito ni Leah Gonzales, ina ng 15-anyos na biktima na hiniling na itago ang pangalan.
Sa reklamo ni Gonzales, nakipanuluyan siya sa bahay ng mag-asawa na mga personal niyang kaibigan noong Marso 14. Paalis na siya dakong alas-6:30 ng gabi nang makita na sinampal umano ni Tublano ang kanyang anak na sinundan ng panununtok ni Alcala.
Sumaklolo naman si Gonzales sa anak at naayos naman ang gusot dahil sa hindi lamang umano pagkakaunawaan. Dito tuluyang umalis si Gonzales para magtrabaho.
Dakong alas-12 ng tanghali nitong Marso 15, nakatanggap ng tawag sa cellular phone si Gonzales buhat kay Alcala na nagsabing isinugod ang anak nitong dalagita sa Bermudez Hospital. Inilipat naman ito ni Gonzales sa East Avenue Medical Center ngunit nalagutan itong hininga dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Una namang naaresto ng mga pulis si Tublano nitong Marso 16 habang sunod na nadakip si Alcala sa follow-up operations. Kapwa itinanggi naman ng dalawa na may kinalaman sila sa pagkasawi ng dalagita. Nahaharap ang mga ito sa kasong murder in relation to child abuse.