MANILA, Philippines - Libu-libong pamilya ang inaasahang maaapektuhan at posibleng mawalan ng tirahan sa ilulunsad na mga proyektong NLEX Phase 2 at C-5 Link Segment 10 Project na lalarga sa ngayong buwan ng Abril.
Ayon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, nasa 13 barangay ang daraanan ng naturang mga proyekto at maaapektuhan ang maraming legal na residente at maging mga informal settlers sa lungsod.
Dahil dito, itinatag ng alkalde ang local inter-agency committee (LIAC) na hindi lang titiyak sa maayos na pag-usad ng mga proyekto ngunit tututok rin sa pagbibigay ng tulong at proteksyon sa mga pamilyang labis na masasapul ng mga proyekto.
“In-activate po natin ang LIAC dahil hindi lamang natin target dito na mailipat ang mga apektadong pamilya, lalo na ang mga informal settler families, kundi gusto rin po natin na magpatuloy ang kanilang hanapbuhay, maisa-ayos ang kanilang mga pamayanan, mga kapaligiran at kanilang social capital,†ayon sa alkalde.
Inaasahang matatapos ang proyekto sa 2015. Inaasahan naman na magkakaroon ng maayos na relokasyon ang mga pamilyang madaraanan ng kalsada sa loob mismo ng lungsod na kung posible ay malapit sa mga paaralan, ospital, palengke at transportasyon.
Pangungunahan ang LIAC ni Malapitan bilang chairman, National Housing Authority general manager Atty. Chito Cruz bilang co-chairman, habang action officers naman sina City Administrator Oliver Hernandez at City Engineer Athena Ativo.