MANILA, Philippines - Ang pagtatago ng shabu sa loob ng comfort room ng mga restaurant ang tinitignan ngayon ng mga operatiba na bagong modus operandi ng ‘tulak ‘ ng shabu, matapos na matagpuan ang isang package ng shabu sa isang toilet tank ng isang fastfood chain sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang manager ng isang restaurant sa panulukan ng Panay Avenue at EDSA sa Brgy. South Triangle, ang agad na nag-report sa Quezon City Police District (QCPD) Kamuning station kaugnay dito saka ibinigay ang mahigit sa nasamsam na 10 gramo ng shabu.
Ayon kay Supt. Limuel Obon, hepe ng Kamuning Police Station, nakatanggap umano ng tawag ang kanyang mga tauhan sa naturang fastfood bago mag-alas-7 ng gabi kung kaya agad nila itong nirespondehan.
Dito, sabi pa ni Obon, ay iniabot sa kanya ng manager ang package na naglalaman ng 10 gramo ng puting pulbos na nakasilid sa loob ng selÂyadong transparent plastic bag. Ang package ay dinala na nila sa Crime Laboratory para masuri. Sabi ng opisÂyal, naÂtagpuan ang nasabing package ng janitor ng resto habang naglilinis ito ng toilet.
Dagdag ni Obon, isang drug dealer ang maaaring naglagay ng shabu sa loob ng toilet tank para kunin na lang ng kanyang buyer.
Tinatayang aabot sa P30,000 ang halaga ng shabu na narekober dito.
Sinasabing dahil sa mahigpit ang monitoring ng awtoridad sa iligal na bentahan ng shabu, karaniwan na ang ginagawang buy-bust operation, pero dahil madalas na nabibigo ang drug dealer sa ganitong uri ng bentahan ay posibleng ang paglalagay na lang sa mga toilet ang naging sistema upang hindi mahuli.
Sabi ni Obon, makikipag-ugnayan sila sa management ng fastfood restaurant para matukoy kung sino ang nag-iwan ng shabu sa loob ng kanilang toilet.