2 patay sa umatras na van

MANILA, Philippines - Masaklap ang naging bunga ng pagkakawang-gawa ng isang driver na tumulong lamang sa isang lalaking naka-wheelchair na humihingi sa kanya ng karton para gawing ka­lakal, subalit kapwa sila naatrasan ng closed van at masawi sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni Chief Insp. Manuel Laderas, hepe ng Quezon City Police Dis­trict Traffic Sector 4, ang nasawi na sina Philip Amoncio, 38, driver at Felipe Cureg, 44, ng Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle.

Sa imbestigasyon, nang­­­­yari ang insidente sa may parking area ng National bookstore na ma­tatagpuan sa panulukan ng Scout Borromeo at Quezon Avenue, Brgy. South Triangle, ganap na alas-6 ng gabi.

Bago ito, ipinarada ni Amoncio ang kanyang Isuzu elf (UWC-948) sa nasabing lugar para mag­deliber ng goods sa isang branch ng fastfood.

Tumulong pa ang biktima sa kanyang helper sa pagbaba ng goods, saka nilagyan pa ng pa­migil ang gulong ng van para hindi umandar dahil sa medyo pababa ang ka­nilang tinigilan.

Habang tumutulong si Amoncio, lumapit naman si Cureg na naka-wheelchair at nanghingi ng kalakal na karton na binigyan naman ng una.

Tinulungan pa ni Amon­cio ang matanda na magtupi ng karton pero habang ginagawa nila ito ay biglang umatras ang truck at sa kasamaang palad ay kapwa nagulu­ngan ang dalawa. 

Sinasabing sinubukan pa ng pahinante ng truck na lumipat sa driver’s seat para pigilan ang pag-atras ng sasakyan pero nabigo ito. Agad namang isinugod ang dalawa sa East Avenue Medical Center subalit kapwa nasawi rin habang ginagamot.

Show comments