MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District ang kanilang kapwa pulis matapos na ireklamo ng panunutok ng baril ng isang gasoline boy na nagkamali sa paglalagay ng gasolina sa sasakyan ng pulis noong Sabado ng gabi sa Tondo, Maynila.
Si PO2 Reggie Mirando, na naka-destino sa Valenzuela City Police ay nakukulong ngayon sa Manila Police District General Assignment Section.
Ayon kay SPO1 James Poso, ng MPD GAS, tinutukan ng baril ni Mirando si Jun Velardo, 25, ng Petron Gasoline Station sa kanto ng Rizal Avenue at Teodoro St. sa Tondo, nang magkamali ang huli sa paglalagay ng krudo sa sasakyan ng pulis.
Lumilitaw na sa halip na regular gasoline, ay diesel umano ang naikarga ni Velardo sa sasakyan ng pulis kaya sa galit ng huli ay binunot umano ang baril saka itinutok sa natakot na gasoline boy.
Ang naturang insidente ay nairekord sa CCTV ng gasoline station.
Si PO2 Mirando ay nahaharap ngayon sa paglabag sa election gun ban at grave threats sa Manila Prosecutors Office.