Trike driver hinarang, niratrat ng 3 armado

MANILA, Philippines - Dead on the spot ang isang 42-anyos na tricycle driver nang pagbabarilin ng tatlong lalaking humarang sa kanyang daraanan habang minamaneho ng una ang pampasadang tricycle sa Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Kinilala ang biktima na si Joel Cabahug, ng Quirino Avenue, Pandacan, Maynila na nagtamo ng apat na tama ng bala mula sa kalibre .45 pistola.

Dakong alas-12:20 ng madaling-araw ng ma­ganap ang insidente habang namamasada ang biktima nang bigla na lamang umanong putukan ng mga suspect sa panulukan ng Block 9 extension at Blk. 1 Dubai, Baseco. Compound Port Area.

Bago ang insidente, minamaneho umano ng biktima ang kanyang tricycle nang pagdating sa madilim na bahagi ay hinarang ng tatlong suspect, isa ang naka­suot ng itim na jacket, orange t-shirt na jersey, bull cap habang ang dalawa ay kapwa naka­suot ng bonnet.

Pinababa umano ng mga suspect ang biktima at habang kinakausap bumunot ng baril ang mga suspect at ilang ulit na pinaputukan ang biktima bago tumakas tangay ang si­nakyang tricycle ng nasawi.

Blangko pa ang awtoridad sa motibo at pagkilanlan ng mga suspect.

Show comments