MANILA, Philippines - Makaraan ang anim na taong pagtatago, naaresto na rin ng Pasay City Police kamakalawa ng gabi ang itinuturong bumaril at nakapatay sa isang pulis nang bumalik ito sa kanyang dating tirahan sa pag-aakalang malamig na sa kanya ang alagad ng batas.
Nakilala ang nadakip na si Allan Pagsuyuin, 35, pedicab driver at naninirahan sa Bo. Bayanihan, ng naturang lungsod.
Nabatid sa rekord ng pulisya na kabilang sa Top 10 most wanted sa Pasay City si Pagsuyuin makaraang ituro na siyang nakabaril at nakapatay sa isang PO2 Alabado, miyembro ng Pasay Police noong 2006.
Sa ulat ng Pasay police, isang impormante na nakakaalam sa kaso ang lumapit sa kanila at ipinagbigay-alam ang pagbalik sa kanilang lugar ng suspek na si Pagsuyuin.
Agad namang kumilos ang mga pulis at inaresto ang suspek dakong alas-10:30 ng gabi sa bisa ng warrant of arrest sa kasong “robbery with homicide” na inilabas ng Pasay Regional Trial Court branch 116.
Nakaditine ngayon si Pagsuyuin sa Pasay detention cell upang harapin ang krimen na ibinabato sa kanya ukol sa pagkamatay ng nabanggit na pulis.