MANILA, Philippines - Patay ang isang helper makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang mga salaring nangursunada sa kanya sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si Maynard Dayog, 18, taga-Brgy. Commonwealth Quezon sa lungsod.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nangyari ang insidente sa may harap ng Litex Daycare Center sa may Payatas Road, ganap na ala-1:40 ng madaling-araw.
Bago ang insidente, naglalakad umano ang biktima kasama ang girlfriend na si Ladylyn Concordia at kaibigang si Dennilyn Gonzaga sa lugar nang lapitan ng tatlong hindi nakikilalang lalaki at biglang hinamon ng suntukan ang una.
Dahil dito, nagpasya ang tatlo na tumakbo na lamang para makaiwas sa gulo, pero hinabol si Dayog ng tatlong suspect.
Ayon kay Concordia, habang hinahabol ang biktima ng mga suspect, napansin niya ang hindi hihigit sa anim na barangay tanod na lumabas sa Commonwealth Barangay Hall Annex na diumano’y pinigilan sa pagtakbo ang biktima.
Ilang sandali, narinig na lamang umano ni Concordia ang magkasunod na putok ng baril mula sa kung saan, hanggang sa bumagsak ang biktima sa kalye.
Sa nasabing mga putok ay biglang nagsipagbalikan sa loob ng barangay hall ang mga tanod, habang ang biktima ay isinugod naman sa Fairview General Hospital ngunit idineklara ding dead-on-arrival.
Nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala sa dibdib at balikat na siyang ikinamatay nito. Narekober naman sa lugar ang dalawang basyo ng kalibre 45 baril na ginamit sa krimen. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy ang mga salarin.