MANILA, Philippines - Patay ang isang retiradong pulis habang isa pang pulis ang sugatan matapos na pagtatagain sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ng isang lasing sa Maynila. Dead-on-the-spot ang biktimang si ret. police Nerio Vargas, habang sugatan naman si PO3 Basilio Ebdane, 44, ng MPD District Support Unit (DHSU). Arestado naman sa follow-up operation ang suspect na si Joseph Bermud, 30, ng Sampaloc, Maynila sa isang follow up operation.
Sa report ni Det. Gerado Rivera ng MPD-Homicide Section, dakong alas-4:30 kamakalawa ng hapon nang naganap ang insidente sa Cristina St., Sampaloc, Maynila. Nagkukuwentuhan ang dalawang pulis nang lapitan sila ni Bermud na noon ay lasing at pilit na humihingi ng pera na ipantotoma ngunit tumangging magbigay ang dalawa. Sandaling umalis ang suspect subalit muling bumalik na may bitbit nang itak at walang sabi-sabing pinagtataga ang dalawang pulis.
Bagama’t may taga sa dibdib at braso si Ebdane ay nagawa nitong makatakbo at humingi ng responde.
Nakatakas naman si Bermud subalit dahil sa kalasingan ay nadakip din sa isang follow up operation.