Driver patay sa live wire

MANILA, Philippines - Patay ang isang 30-anyos na pedicab driver nang maha­wakan ang live wire na iko­konekta nito sa kaniyang barung-barong, sa Paco, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Alvin Isip, ng Pres. Quirino Ave­nue, Paco.

Ayon sa report, dakong alas -8:30 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng barung- barong ng nasawi sa ilalim ng tulay ng Estero de Concordia sa President Quirino Avenue, Paco.

Nabatid na nawalan ng suplay ng kuryente sa lugar at mabilis naman umanong na­ibalik ang suplay sa mga kapit­bahay kaya nagtaka ang biktima kung bakit wala pa silang ilaw.

Pinuntahan umano nito ang kapitbahay na si Arturo Marciano JR., 45, para alamin kung bakit may kuryente ito at siya ay wala.

Hinawakan umano nito ang nakakonektang live wire na nagmula kina Marciano patungo sa kaniyang bahay subalit bigla itong nangisay at nawalan ng malay.

Mabilis naman siyang dinala sa na­sabing pagamutan subalit idineklarang patay alas-9:05 ng gabi.

Show comments