MANILA, Philippines - Hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court na mabilanggo ng anim na buwan ang isang lalaki na bumili ng nakaw na car stereo ng isang dating Supreme Court justice may 10 taon na ang nakararaan.
Sa ipinalabas na desisyon ni QC RTC Branch 221 Assisting Judge Genie Gapas-Agbada, napatunayan na guilty si Reinante Bornales sa paglabag sa kasong anti-fencing law.
Ang kaso ay nag-ugat nang makipagsabwatan si Bornales sa kanyang mga kaibigan para bilhin ang nakaw na Alphine CD cassette player at pitong assorted CD tapes ni dating SC Justice Vicente Mendoza noong Abril 2002.
Sinasabing si Bornales ay nakapagpiyansa noong Agosto 8, 2005 makaraang pabulaanan ang kaso sa kanya.
Pinawalang-sala naman sa kasong ito ang kaibigan ni Bornales na si Vivencio Articulo dahil sa kawalan ng ebidensiya na nagdidiin dito sa kaso.
Una rito, kinasuhan ng pagnanakaw sa car stereo ang isang Arnel de Guzman samantalang ang kasama nitong si Nida Bilang ay nadismis ang kaso dahil nagsampa ng affidavit of desistance si Judge Mendoza laban dito.