MANILA, Philippines - Dalawa sa tatlong pinaghihinalaang holdaper ang patay matapos makaengkuwentro ang tropa ng Quezon City Police District (QCPD) ilang minuto makaraang holdapin ng mga ito ang isang pampasaherong van sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ayon kay Chief Insp. Rodelio Marcelo, hepe ng Investigation and Detection Unit ng QCPD, walang nakuhang pagkakakilanlan sa mga nasawing suspect kung saan isinalarawan ang isa na may taas na 5’, nakasuot ng itim na t-shirt, kulay gray na pants, may tattoo ng dragon sa kaliwang braso at puso sa kanang balikat; habang ang isa naman ay may taas na 5’7’’, moreno, nakasuot ng kulay gray na t-shirt, itim na maong pants, may tattoo sa gawing itaas ng kanang kamay na “Bahala na”, Cesar Moises sa kanang suso at Noy Tayman sa likuran.
Ang mga suspect ay nasawi matapos na makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Police Station 4 na pinamumunuan ni Supt. Crisostomo Mendoza matapos hingan ng tulong ng mga biktimang sina Marry Dhee Sodoy, 26, negosyante at Juliet Mercado, 26, saleslady, kapwa pasahero ng nasabing van.
Sa ulat ni SPO1 Eric Lazo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Diamond Avenue, partikular sa harap ng isang bahay sa #50 compound, Green Heights, Bgy. San Bartolome ganap na alas-8:55 ng gabi.
Bago nito, nagsasagawa ng checkpoint at spot inspection ang tropa ng PS4 sa may kahabaan ng Quirino Highway sa nasabing barangay nang isang pampasaherong van na may tatak na GT Express ang nagmamadaling lumapit sa mga pulis at humihingi ng tulong hingil sa panghoholdap sa kanila ng tatlong armadong mga suspect.
Dito ay agad na nagsagawa ng dragnet operation ang PS4 sa nasasakop nilang lugar, hanggang sa matiyempuhan nila ang tatlong suspect na kaswal na naglalakad sa kahabaan ng Diamond Avenue.
Sinasabing nang makita ng mga biktima ang tatlong lalaki ay agad nilang nakilala ang mga ito na siyang humoldap sa kanila sanhi para tangkaing komprontahin ang mga ito ng mga awtoridad.
Pero hindi pa nakakalapit ang mga awtoridad ay biglang nagbunot umano ng baril ang mga suspect at pinaputukan ang mga pulis sanhi para gumanti ng putok ang una at nauwi sa engkwentro.
Nang humupa ang putukan ay nakita na lamang ang dalawang suspect na walang buhay habang duguang nakahandusay sa naturang kalye. Nakatakas naman ang isa pa.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa lugar ang dalawang kalibre 38 baril na may lamang tig-dalawang bala at isa pang basyo nito; at walong piraso ng basyo ng bala.