Tanod, 21 beses na sinaksak ng 3 sinita

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang barangay tanod matapos na 21 beses na pagsasakasakin ng tatlong lalaki na kanyang sinita dahil sa walang suot na helmet habang sila ay sakay ng isang motorsiklo sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Riane Yadao, kasapi ng barangay tanod sa Brgy. Concepcion Uno, Marikina City.

Nadakip naman sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang mga suspek na sina Moises Villanueva, 20; Flo­rencio Alegonza, 24; at Jeorge Asuzena, 23, pawang residente rin ng nasabing lugar.

Sa ulat ng Marikina police, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-11:00 ng gabi sa kahabaan ng Panorama St., Brgy. Concepcion Uno.

Nabatid na naka-duty ang biktima bilang deputized traffic enforcer sa kahabaan ng Panorama St., kung saan ay dumaan ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo.

Dahil sa walang helmet ang mga suspek kaya pinara at sinita ang mga ito ng biktima pero pinagtulungan siyang pagsasaksakin.

Show comments