MANILA, Philippines - Walang awang pinaslang ng dalawang kilabot na holdaper ang isang social worker ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos na holdapin, kahapon ng madaling araw sa Navotas City.
Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center ang biktimang si Roavilla Dipon, 53, dating residente ng Phase 1-B, North Bay Boulevard South (NBBS), sa naturang lungsod.
Isa naman sa dalawang suspect ang agad na naaresto at nakilala sa alyas na Aga habang nakatakas ang kasamahan nito na si Badiong Ocampo.
Sa ulat ng Navotas City Police, naganap ang krimen dakong alas-12:30 ng madaling araw sa may Alumahan St., NBBS. Mag-isang naglalakad ang biktima nang biglang harangin ng dalawang suspect at tutukan ng patalim.
Hindi umano agad ibinigay ng biktima ang dala nitong bag sanhi upang pagsasaksakin ito ng mga holdaper. Hinablot ng mga salarin ang bag ng biktima bago mabilis na tumakas.
Nadaanan naman ng isang tricycle driver ang duguang biktima na nagkusang isugod ito sa pagamutan.
Nasakote naman ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspect na si Aga sa may Bangus St. sakay ng isang pedicab.
Nakuha sa suspect ang cellular phone ng biktima at patalim na hinihinalang ginamit sa pamamaslang.