MANILA, Philippines - Napaslang ang riding-in-trio na mga holdaper matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Manila Police District sa bahagi ng underpass ng Quezon Boulevard sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Wala pang pagkikilanlan ang tatlo na inilarawan ang isa na may tattoo sa tiyan na “Claudine at Sputnik”, nasa edad 30-35, nasa 5’6’’ hanggang 5’7’’ ang taas, maputi, nakasuot ng blue t-shirt, maong pants, itim na helmet at armado ng cal .9mm pistol.
Samantala, ang ikalawa naman ay naka-puting helmet, nasa 35-40 ang edad, 5’1’’-5’2’’ ang taas, may mga tattoo na Batang City Jail (BCJ), at nakasuot ng sweat shirt at green na Jersey shorts at armado ng cal .357 revolver.
Nakasuot naman ng gray sweat shirt ang ikatlong holdaper, gray helmet, aqua blue na jersey shorts, nasa 30-35, 5’2’’–5’3’’ ang taas, tadtad din ng tattoo kabilang ang Commando at armado ng sumpak at walang sapin sa paa.
Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:50 ng madaling-araw nang maganap ang shootout sa Q. Blvd underpass (southbound).
Nabatid na nagpapatrulya ang mga tauhan ng MPD-station 3 at Manila-based Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nang mamataan nila ang umiiyak at kumakaway na dalawang babae.
Kaagad na inusisa ng pulisya ang mga biktimang sina Trisha Manalac, 19, ng Sta. Ana, Maynila; at Vanessa Español, 23, ng Maricaban, Pasay City, na nagsabing hinoldap sila ng tatlong lalaking lulan ng motorsiklong itim na walang plaka.
Mabilis na tinunton ang underpass na sinasabing direksiyon ng motorsiklo ng tatlo kung saan namataan naman kaagad.
Dito na sinalubong ang mga pulis ng putok kaya nakipagsabayan na rin sila hanggang sa bumulagta ang tatlong holdaper.
Sumunod naman ang mga biktima sa nasabing lugar ng engkuwentro kung saan itinuro ang kagamitan at cash na kinuha sa kanila ng tatlo habang patuloy naman ang imbestigasyon.