MANILA, Philippines - Patay ang isang 32-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng isang bagong laya kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Nakilala ang nasawi na si Razmin Alad, ng Blk 143 Lot 76 San Diego St., Brgy. Central Bicutan.
Naaresto naman sa follow-up operation ang suspect na si Aaron Umpad, 29.
Sa ulat ng Taguig Police, naganap ang pamamaslang dakong ala-1 ng madaling-araw nang mag-krus ang landas ng dalawa sa Poolan Area sa Central Bicutan. Ayon sa mga nakasaksi, nagkomprontahan pa ang dalawa hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima.
May hinala ang pulisya na may kinalaman sa ilegal na aktibidad na posibleng kinasasangkutan ng dalawa ang ugat ng kanilang alitan na nauwi sa pamamaslang.