MANILA, Philippines - Isang lalaki ang patay makaraang pagbabarilin habang nakatayo sa isang tindahan at nakikipag-text ng isang salarin sa lungsod Quezon kahapon ng umaga. Nakilala ang biktima na si Nelson Flores, 39, ng Urban Plata St., Caloocan City.
Sa ulat ng pulisya, isang lalaki na tinatayang nasa edad 20-25, may taas na 5’5’’, nakasuot ng dilaw na t-shirt at maong na short pants at armado ng kalibre .38 na baril ang sinasabing bumaril sa biktima. Nangyari ang insidente sa kanto ng Saint Anthony at Sto. Rosario Sts., Brgy. Holy Spirit sa lungsod, ganap na alas-7:20 ng umaga. Bago nito, nakatayo umano ang biktima sa nasabing lugar at busy sa pagte-text sa kanyang cell phone nang biglang sumulpot ang salarin at pinagbabaril ito.
Dead-on-the-spot sa lugar ang biktima, habang mabilis na tumakas ang suspect patungo sa hindi pa mabatid na direksyon.
Hinala ng pulisya, maaaring love triangle ang motibo ng pagpatay sa biktima makaraang mabatid na may dati umanong kinakasama sa lugar si Flores.