MANILA,Philippines - Tatlong pinaniniwalaang mga karnaper kabilang ang isang bagitong pulis ang nadakip ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa dalawang magkahiwalay na operasyon.
Nakilala ang nadakip na parak na si PO1 Joel Samonte, nakatalaga sa Regional Headquarters Support Group (RHSG).
Inaresto si Samonte ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Malolos, Bulacan Regional Trial Court Branch 79 sa kasong carnapping at highway robbery. Hindi na ito nakapalag nang dakpin sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City dakong alas-11:30 Lunes ng tanghali.
Dakong ala-1:30 naman kahapon ng madaling-araw nang maaresto rin ng Anti-Carnapping Unit at Station Investigation Detective Management Branch ng Caloocan Police sina Michael De Guzman, 25, ng Tondo, Maynila at Eric dela Cruz, 28, ng Caloocan City.
Nabatid sa ulat na unang naispatan ng mga nagpapatrulyang pulis ang dalawang suspek lulan ng dalawang motorsiklo na walang plaka at pumasok sa HSIRI Apartelle sa A. Mabini St., Caloocan.
Dito hinintay ng mga operatiba ang dalawang suspek na lumabas at saka inaresto ang mga ito. Nang buksan ang compartment ng mga motorsiklo, nadiskubre ang iba’t ibang “improvised tools” na gamit ng mga suspek sa pagkulimbat ng motorsiklo.