MANILA, Philippines - Patay ang isang babae matapos na barilin sa sentido ng hindi pa tukoy na salarin, sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kilala lamang umano sa alyas “Tisay” ang biktima na nasa edad sa pagitan ng 25-30, may taas na 5’3’’ hanggang 5’4’’, nakasuot ng stripe na sleeveless na pang-itaas , pulang jacket, itim na maong shorts at pink na sandals.
Inaalam pa ang pagkilanlan ng salarin na armado ng kalibre .45.
Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 10:45 ng gabi ng Sabado nang madiskubre ang nakabulagtang biktima sa pagitan ng Block 9 Extension at Block 1, Dubai, Baseco compound, Port Area.
Sa ulat, sinabi ng isang Ed Canayan, Barangay Ex-O ng Brgy. 649 Zone 88, isang hindi nagpakilalang tricycle driver ang nagreport sa kanya hinggil sa isang babaeng nakabulagta sa nasabing lugar na agad namang itinawag sa himpilan ng pulisya.