Ex-lover na naghatid ng sustento pinatay

MANILA, Philippines – Matapos na maghatid ng sustento sa dating live-in partner at anak, pinagbabaril at napatay ang isang 32-anyos na lalaki, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Dionisio Garcia, ng 2105 Tramo St., corner Pro­tacio St., sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Lumabas sa pagsisi­yasat nina SPO1 Genomer Geraldino­ at SPO1 Ariel Inciong ng Investigation Section ng Pasay, sa #088 Block 2 Lot 30  Sta. Rita St., Maricaban pasado alas-3 ng hapon nang dalawin ng biktima ang anak na babae at ihatid ang sustento.

Nagtagal pa umano ang biktima sa bahay ng dating kinakasama hanggang sa yayain ang anak na bumili ng pritong saging sa kanto ng Sta. Rita at St. Francis St. dakong alas-7:30 ng gabi na hindi kalayuan sa bahay.

Nauna namang umuwi ang anak ng biktima at nang mag-isa na lamang si Garcia ay nilapitan ng hindi nakilalang salarin at saka pinagbabaril.  

Inaalam naman ng pulisya kung may kaugnayan sa krimen ang umano’y pagnanais ng biktima na makipagbalikan sa dating partner para na rin sa kapakanan ng kanilang anak.

Show comments