MANILA, Philippines - Nadiskubre ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang iba’t ibang gamit sa pampasabog kahapon ng umaga sa isang pension house sa Ermita, Maynila.
Ayon kay MPD Explosive and Ordnance division chief, Inspector Arnold Santos, kabilang sa mga narekober ng pulisya ay 83 pirasong basyo ng bala ng M16, 43 pirasong basyo ng bala ng 12 gauge shot gun, sinirang Nokia cellphone, blasting caps, dalawang tubo na may takip na at takip para sa tatlong tubo, mga baterya, wires at timer.
Dahil dito, umalerto ang buong puwersa ng kapulisan sa Maynila upang agad na mapigilan ang sinumang nagbabalak maghasik ng gulo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, isang Jonathan Jose ang nag-check-in sa Room 108 ng Santos Pension House sa 1540 kanto ng Pedro Gil at A. Mabini Sts. sa Ermita bandang alas-5:20 ng umaga kamakalawa. Pasado alas-4 ng madaling-araw nang mag-check out si Jose.
Bandang alas-8 ng umaga aniya nang makita ang mga gamit pampasabog habang nililinis ng mga hotel boys ang kuwarto ng suspect at napuna ang isang supot o plastic sa gilid ng sahig at nang kanilang buklatin ay natuklasan ang mga naturang gamit sa paggawa ng bomba.
Inilarawan ang suspect na may taas na 5’5’’, balingkinitan ang pangangatawan at semi kalbo.
Hinala ng pulisya, maaaring may nabuo ng improvise explosive device ang suspect ngunit hindi nila tiyak kung saan gagamitin.