MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang babae makaraang magpasagasa sa isang tren ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa EDSA-Taft Station nito sa Pasay City kahapon ng umaga.
Patuloy na kinikilala ng mga awtoridad ang biktima na nasa pagitan ng edad na 50-60 taong gulang, nakasuot ng gray t-shirt at skinny blue jeans at naka-tsinelas.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang operator ng nakasagasang LRT train coach 1113-A na si Anthony Gunay, 35.
Sa ulat ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-5:59 ng umaga sa naturang istasyon.
Paparating ang tren na pinatatakbo ni Gunay nang bigla umanong tumalon ang babae sanhi upang masagasaan ito.
Dahil sa tindi ng pinsalang natamo, nabura na umano ang mukha ng biktima kaya hindi na ito makilala.
Ayon sa LRTA, pinatatabi naman umano ng security guard na si Ronald Mohillo ang mga pasahero habang paparating ang tren nang biglang tumalon ang biktima.
Sinabi rin ni Gunay na tinangka pa niyang ipreno ang tren ngunit huli na ang lahat dahil sa sinadya umano ang pagtalon at tiniyempuhan ang pagdating ng tren.
Pinag-aaralan naman ngayon ng mga awtoridad ang kuha sa “closed circuit television (CCTV) camera” ng LRTA upang madetermina ang hitsura ng biktima at mabatid kung sinadya talagang tumalon nito o maaaring naitulak sa pag-uunahan sa pagsakay ng mga kapwa pasahero.
Dahil sa insidente, libu-libong pasahero ng LRT Line 1 ang na-stranded at napilitang sumakay muna ng ibang uri ng transportasyon na naging dahilan ng pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko sa EDSA at Taft Avenue. (Danilo Garcia at Mer Layson)