MANILA, Philippines - Comatose ngayon sa AFP Medical Center ang isang graduating na kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na nabaril ng armadong holdaper na sumalakay sa isang pampasaherong jeepney noong Sabado sa Fairview, Quezon City.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, nanawagan si AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. sa mga nakasaksi sa pangyayari na makipagtulungan sa mga awtoridad para sa ikadarakip ng mga suspect sa pamamaril sa biktimang si Cadet Alfonso Aviles.
Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa leeg na naglagos sa kanyang ulo.
Si Aviles, 23-anyos ay isang graduating student ng PMA, ng San Jose del Monte City, Bulacan ay nagtungo sa Metro Manila para magsilbi sanang ‘proctor’ sa pagsusulit sa isa sa mga testing center ng PMA nitong Linggo (Agosto 26).
Ang biktima ay nabaril ng isang holdaper na armado ng cal. .45 pistol matapos itong makipag-agawan sa armas nang magdeklara ng holdap ang suspek at isa-isang nililimas ang mga alahas, pera at mga cellphone ng mga pasahero ng jeepney sa panulukan ng Regalado at Mindanao Avenue, Brgy. Greater Lagro, Quezon City noong Sabado ng tanghali.
Nagawa namang matangay ng holdaper ang PMA bull ring ni Aviles na puwersahan ng mga itong kinuha sa duguang nakalupasay na biktima.
Nabatid na natanggal na ang isang bala sa ulo ng kadete kung saan patuloy na minomonitor ang kalagayan nito sa posibleng ‘intra-cranial pressure’ sa ICU ng pagamutan.