Binata binoga sa ulo,tigok

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang mga nakaaway ang isang 20-anyos na binata kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.

Dalawang tama ng bala sa likurang bahagi ng ulo at isa sa binti ang tinamo ni Reynaldo Bucacao ng #1422 Nico­demus St. Tondo, Maynila na binawian ng buhay sa  Tondo General Hospital.

Hinahanting naman ng pulisya ang tatlong itinuturong suspect   na sina Jake Mendoza, 35, ng #1408-B Juan Luna St., Tondo; Teodorico Distraho 50, karpintero, ng #1404 Juan Luna St., habang nasa kustodiya na ng pulisya si Jerry Mendoza, 42, may asawa, negosyante ng 1408-A Juan Luna St., Tondo.

Sa ulat ni SPO2 Ronald Gallo ng Manila Police District-Homicide  Section, dakong alas 5 ng hapon nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay sa #1432 Samahang Bato St., sa Juan Luna, Tondo.

Nakipagtalo umano ang biktima sa mga suspect na sina Mendoza at Distraho hanggang sa umalis sandali ang dalawa at nang bumalik ay may dala ng armas.

Sa impormasyong dala ni Mendoza ang isang baril na mismong ang kapatid nitong si Jerry ang nag-abot habang armado naman ng samurai si Distraho nang sugurin ang biktima.

Dito ay binaril ng mga suspect ang biktima na nakuha pang makatakbo subalit sinundan pa rin ng mga suspect sa isang eskinita at doon muling binaril.

Mabilis na tumakas ang dalawa, at naiwan si Jerry sa kanyang negosyong pharmacy.

Iniimbestigahan naman ng pulisya ang suspect na hawak ngayon ng mga awtoridad.

Show comments