MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng hindi pa nakikilalang mga lalaki na umano’y miyembro ng Akyat-bahay gang ang natagpuan ilang minuto makaraang makarinig ng mga malalakas na putok ng baril sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ang mga biktima na walang pagkakakilanlan ay isinalarawan na kapwa mga nasa edad na 20-25, nakasuot ng kulay dilaw na t-shirt at berdeng shorts, at may tattoo na Sputnik sa kanang dibdib; habang ang isa ay may taas na 5’3’’, may tattoo na Emerson sa kanang braso at kanang pigi.
Isa sa mga biktima ay may tama ng bala ng baril sa ulo habang ang isa naman ay sa likurang bahagi ng katawan.
Ayon kay PO2 Ric Roldan Pittong, may-hawak ng kaso, ang mga biktima ay natagpuan na lamang walang buhay matapos umalingawngaw ang mga putok ng baril sa may Venus St., Brgy. Tandang Sora, ganap na alas 2:30 ng madaling-araw.
Sinabi ng testigong si Virgilia Buta, agad niyang inusisa ang pinagmulan ng putok kung saan nakita ang duguang katawan ng mga biktima. May narinig din umanong isang motorsiklo na humaharurot papalayo sa nasabing lugar na siyang pinaghihinalaang bumaril sa mga ito.
Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng kalibre .45 baril at dalawang basyo ng kalibre 40 baril sa nasabing lugar.