MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis at engineer habang isa pa ang sugatan makaraang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang miyembro ng riding-in-tandem sa magkahiwalay na lugar sa Taguig City at Las Piñas.
Dead-on-arrival sa ospital si PO2 Morris Alindog, nakatalaga sa Manila Police District Station 6 habang sugatan naman ang hindi pa nakilalang live-in partner nito dahil sa pagsemplang ng sinasakyan nilang motorsiklo.
Nagtamo naman ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Ermencio Ducao, ng Vallejo St., BF Resort Village, Brgy. Talon 2, sa naturang lungsod.
Agad namang tumakas sa hindi mabatid na destinasyon ang mga salarin sakay ng kani-kanilang motorsiklo.
Sa inisyal na ulat ng Taguig Police, naganap ang pamamaslang pasado ala-1 ng hapon sa tapat ng isang convenience store sa may Bayani Road, sa naturang lungsod. Magkaangkas ang biktima at ang kanyang kinakasama nang dikitan sila ng dalawang salarin at agad na pinaputukan gamit ang isang .9mm pistol.
Agad na tumumba ang motorsiklo (UB-8097) na minamaneho ni Alindog saka mabilis na humarurot papatakas ang mga salarin.
Patuloy naman ang pulisya upang mabatid ang motibo ng naturang pamamaslang kung saan isinasailalim sa imbestigasyon ang nakaligtas na live-in partner nito.
Samantala, dakong alas-6:18 kamakalawa ng gabi naman naganap ang pamamaril kay Ducao sa harap ng isang motor shop sa BF Drive, BF Resort Village.
Ayon sa dalawang saksi, ipinaparada ni Ducao ang kanyang Isuzu Alterra (PIU-618) nang sumulpot ang dalawang salarin lulan ng isang motorsiklo at paulanan ng bala ang biktima.
Nagawa pa umanong lumabas ng sasakyan ng biktima ngunit dito na siya napuruhan ng bala at bumulagta. Tinangay naman ng mga salarin ang pitaka ng biktima bago nagsitakas.
Kabilang sa aalamin kung may mga nakaaway na personal o sa negosyo ang biktima.