Manila, Philippines - Patay ang isang 16-anyos na binatilyo nang barilin sa tiyan ng riding-in-tandem na carjackers nang tumangging ibigay nito ang minamanehong motorsiklo sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Lorenzo T. Madurog, residente ng Santo Tomas St., Sampaloc.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan sa dalawang lalaki na bumaril kay Madurog at tumangay ng Yamaha (Mia Amore) motorcycle (559 TS) nito.
Sa ulat ni SPO2 Glenzor A. Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Maceda at Matimyas Sts., sa Sampaloc,
Nabatid na hiniram ng biktima sa kaniyang ama ang motorsiklo at umalis itong may kaangkas na dalawang kaibigang babae.
Pagsapit sa nasabing lugar ay hinarang sila ng dalawang suspect at pilit na pinabababa sa motorsiklo subalit ayaw umanong ibigay ng biktima ang motorsiklo kaya binaril siya ng isa sa suspect hanggang sa mahulog at tangayin na ang motorsiklo.
Isinugod ng kaniyang kasamang mga babae ang biktima sa Ospital ng Sampaloc bago inilipat sa PGH kung saan ito tuluyang binawian ng buhay.