Holdaper na nang-agaw ng baril patay sa pulis

MANILA, Philippines - Isa umanong holdaper ang nasawi makaraang mabaril ng bantay na pulis matapos na tangkain umano nitong agawan ng baril ang isa sa bantay niyang pulis habang sakay ng mobile car patungo sa prosecutor’s office para i-inquest sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.

Ayon kay Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City Police Station 11, nakilala ang nasawi na si Johnny Geraldez, 30, may-asawa, tubong Cebu, at naninirahan sa Sitio Gumamela, Brgy. Sta Cruz, Antipolo City.

Sinabi ni Babagay, itinurn-over lamang sa kanila ang suspect ng miyembro ng Barangay Public Safety Office (BPSO) sa Brgy. Doña Josefa matapos na arestuhin dahil sa panghoholdap sa isang babae kung saan sinaksak pa umano nito at ngayon ay naka-confine sa ospital. Naganap ang panghoholdap sa babae sa may Quezon Avenue corner P. Tuazon, Brgy. Doña Josefa, alas-6:40 ng gabi.

Ayon kay Melchor Prado, ng BPSO, inaresto nila si Geraldez­ habang pinagtutulungang hulihin ng grupo ng kalalakihan dahil sa sumbong na holdaper ito.

Dahil sa may sugat, agad nilang dinala sa ospital para magamot bago tuluyang iturn-over sa PS11 kasama ang bitbit na patalim.

Samantala, sa inisyal na ulat ni Babagay, nangyari naman ang pamamaril kay Geraldez ganap na ala 1 ng hapon sa may kahabaan ng Cordillera St., Brgy. Aurora sa lungsod.

Sinasabing ihahatid sana ng tropa ng PS11 si Geraldez sakay ng isang mobile patrol para i-inquest sa prosecutor’s offce sa city hall dahil sa kasong illegal possesion of deadly weapon nang bigla umanong mang-agaw ito ng baril sa isa sa dalawang police guard na kasama niya sa sasakyan.

Sa puntong ito, ayon pa kay Babagay, napilitan nang barilin ito ng kanyang mga tauhan. Nagawa pang maitakbo sa ospital ang suspect subalit idineklara din itong dead on arrival. 

Ayon pa kay Babagay, inaalam pa niya kung sino ang mga pulis­ na kasama ng suspect nang mangyari ang in­sidente, gayun­din ang pangalan ng sinaksak nitong babae.

Show comments