MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasawi nang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspect sa magkakahiwalay na insidente sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw at kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot si Gilbert Bawen, 32, ng Bulacan St., Bagong Barrio matapos na barilin ng mga hindi pa kilalang suspect dakong alas-3:30 ng madaling- araw habang naglalakad sa Bulacan St.
Dakong alas-12:15 din kahapon ng madaling-araw nang pagbabarilin si Ronald Robles, 32, ng Alas St., Heroes Del 96, Caloocan City na noo’y bibili ng sigarilyo.
Mabilis ding tumakas ang mga salarin.
Nagtamo ito ng mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Samantala, dead-on- arrival naman sa Manila Central University Hospital sanhi rin ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Jeffrey Montealegre, 21, ng Tirona St., Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-8 kamakalawa ng gabi, habang naglalakad ang biktima sa Gen. Tirona St., Bagong Barrio nang bigla na lamang barilin ng isa sa hindi pa kilalang mga suspect.
Matapos ang insidente ay sumakay ang gunman sa kasamang naghihintay na may dalang motorsiklong walang plaka bago tumakas habang dinala naman ang biktima sa nabanggit na ospital.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis hinggil sa mga nasabing insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga suspect.