Manila, Philippines - Tinatayang aabot sa P10,000 halaga ng kuwintas ang natangay mula sa isang Korean national matapos na hablutin ng isa sa limang suspect nang puwersahang buksan ang kanilang sasakyan sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-General Assignment Section (GAS) ang biktimang si Jung Sun Her, 34 at nanunuluyan sa B-23, 17th Victoria Tower, Panay Ave. corner Timog Ave., Quezon City.
Bukod sa kuwintas inagaw din ng tatlong suspect ang wallet ng kaniyang kaibigan, dakong alas 6:30 ng gabi ng Sabado, habang sila ay nasa Remedios Circle sa Malate, Maynila.
Sa ulat ni Insp. Jonathan Bautista, dakong alas-3 ng madaling-araw kahapon nang madakip ang suspect na si Mark Jay Huarde, 18, ng no. 1951 Maria Orosa St., Malate, Maynila ng mga opisyal ng Bgy. 707, Zone 77, na nakasakop sa Remedios Circle.
Sa salaysay ng biktima, nasa loob pa siya ng sasakyan kasama ang kaibigan nang magulat sa paglapit ng tatlong lalaki na pinaligiran at puwersahang binuksan ang pintuan ng kotse.
Nais nila umanong paandarin ang sasakyan subalit nakaharang naman sa harapan ang dalawa pang suspect kaya nagtagumpay na matangay ang kuwintas na suot niya at wallet na hawak ng kaibigan.
Agad na dumulog sa mga barangay officials ang mga biktima at pinayuhang ireport sa pulisya.
Nang iharap ang nadakip na suspect ay personal niya itong kinilala habang ang apat ay nakalalaya pa at kasalukuyang tinutugis.