Driver kinuyog ng saksak kritikal

 Manila, Philippines - Nasa kritikal na kalagayan ngayon ang isang driver makaraang pagtulungang saksakin ng apat na lalaking biglang humarang at sumakay sa minamaneho nitong pampasaherong jeep, kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Isinugod sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Benedicto Hilario, 38, ng no. 3852 Macabulos St., Brgy. Bangkal ng naturang lungsod. 

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng apat na salarin na sumalakay sa biktima.

Sa ulat ng Makati City Police, naganap ang krimen dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi kung saan hinarang ng apat na suspect si Hilario kasama ang live-in partner na si Evelyn Tan sa kanto ng Evangelista at Dalla St., sa naturang lungsod.

Dalawa sa mga salarin ang pumasok sa loob ng jeep habang dalawa ang sumalakay buhat sa labas ng sasakyan at pinagtulungang saksakin ang biktima.  Nanlaban naman si Tan na pinagsisipa ang ilan sa mga suspect na nagsitakas makaraang duguan na ang biktima.

Agad namang humingi ng tulong si Tan sa mga residente sa naturang lugar at naisugod ang biktima sa pagamutan.  Hinihinala naman na matagal na kaalitan ang motibo ng krimen dahil sa hindi naman panghoholdap ang pakay ng mga salarin sa biktima.  

Show comments