MANILA, Philippines - Walong Korean national ang dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) nang maaktuhan sa iligal na on-line gaming sa isang condominium sa Pasay City.
Kinilala ni NBI Director Nonnatus Caesar Rojas ang mga suspect na sina Mounghoon Park, Cha Se Woong, Kwon Jang Hyuk, Jeong Man Seon, Lee Kyoung Mo, Jo Young Ho, Lee Chang Bum, at Moon Jung Whan.
Nabatid na bigo ang NBI na maaresto ang pangunahing pakay na si Sung Lee, isang Korean national na isinuplong ng isang alyas “Jerome” sa NBI nitong nakalipas na Hulyo 20.
Laman ng reklamo ang iligal na sugal na kinabibilangan ng mga Koreans, ilang Pinoy na nanunuluyan sa condominium sa Roxas Blvd., Pasay City.
Sa pamamagitan ng search warrants na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 22 laban kay Sung Lee at may-ari at nanunuluyan sa ilang units sa Towers A, B at C ng nasabing condominium, sinalakay ito kamakalawa kung saan naaktuhan nga ang operasyon ng online casino ng mga suspect
Kinumpiska ng NBI sa condominium ang mga computer units, monitors, CPU’s, modems, keyboard, laptop, hard disks, IPADs, routers, WIFI, landline telepono, mouse, cables, LAN cards, iba-ibang dokumento, gaming cards at iba pang mga kagamitan na ginagamit sa illegal na operasyon ng sugal.
Nakadetine na sa NBI detention cell ang mga suspect na nahaharap sa kaukulang kaso.