Abusadong kutsero, kalaboso Ni Ludy Bermudo

MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 47-anyos na abusadong kutsero dahil sa paniningil ng P1-libo sa turistang Kano na isinakay nito mula lamang sa Luneta hanggang sa Fort Santiago, sa Intramuros, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Hindi natakot ang dayuhang si Gary Dodd, 65, binata, at pansamantalang nanunuluyan sa Brgy. Dela Paz, Antipolo City, na isuplong sa Manila Police District-General Assignment Section ang suspect na si Rolando Limpin, ng Brgy. 91, Tondo, Maynila.

Batay sa ulat ni SPO1 James Poso, dakong alas-2:15 ng hapon nang isakay umano ng suspect ang biktima at kasamang Pinay sa Rizal Park, katabi ng National Park and Development Center (NPDC) sa T.M. Kalaw St., Ermita, Maynila at nagpahatid sa Fort Santiago.

Nagkasundo umano sa P100 ang bayad sa kalesa at nang magbabayad ang biktima ay dinagdagan pa ito at ginawang P250 dahil natuwa siya sa serbisyo.

Nang abutan ng P500 ay hindi na umano sinuklian ang biktima at sa halip ay nagpapadagdag pa ng P500 kaya nauwi sa pagtatalo ng dalawa. Nagpasya ang biktima na magreklamo kay Jose Capistrano, Intramuros Administrator na siyang tumulong sa pagpapadakip sa suspect.

Kasong paglabag sa Articicle 315 ng Revised Penal Code o swindling at Revised Ordinance 601-B (working without occupa­tional permit) ang kinakaharap ng kutsero.

Show comments