MANILA, Philippines - Karumal-dumal ang sinapit ng isang negosyanteng Chinese mula sa kamay ng dalawang holdaper na matapos na holdapin ay paulit-ulit na ginilitan kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila.
Agad namang nadakip ang suspect na napatay din makaraang manlaban sa mga umarestong pulis sa Binondo, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ni Senior Inspector Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktima na si Lirong Yang, 27, tubong-Fujian, China at nanunuluyan sa Sta. Elena St., Binondo, Maynila.
Dakong alas-11:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Muelle del Binondo at San Nicolas Sts., ng nasabing lugar.
Lumilitaw na sakay ng kuliglig ang biktima upang bisitahin ang isang kaibigan sa Chinatown Steel Tower na matatagpuan sa Asuncion St., Binondo.
Pagsapit umano sa kahabaan ng Muelle del Binondo malapit sa Nicolas St ay inihinto umano ng driver na nakilalang si Rocky Bangayan, 24, at kasama nito ang kuliglig sa isang bakanteng lugar. Dito sinimulan nang limasin ang mga gamit ng biktima habang nakatutok sa kanya ang isang patalim.
Sa pag-aalalang makikilala ng biktima, minabuti na lamang ng driver na laslasin ang leeg nito at nang matiyak na patay na ay inihulog na lamang sa sementong kalsada.
Ayon naman sa security guard na si Arnold Terceno, sinigawan niya ang suspect at biktima nang makita ang komosyon. Mabilis namang tumakbo ang mga suspect at iniwan ang biktima. Hindi na nagawang maitakbo ni Terceno ang biktima sa pagamutan dahil namatay na rin ito makalipas lamang ng ilang minuto. Narekober naman sa crime scene ang ginamit na patalim sa biktima.
Sa isinagawang follow-up operation nadakip si Bangayan kahapon ng umaga subalit pilit na nanlaban ang suspect dahilan upang paputukan ito ng mga awtoridad na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Pinaghahanap pa ang kasabwat nito.