Kelot inatado ng kainuman, dedo

MANILA, Philippines - Isang lalaki ang patay makaraang pagsasaksakin ng isang vendor dahil lamang sa pagtatalo sa sukli habang nag-iinuman sa lungsod Quezon kamakalawa.

Si Carlito Duran, 42, ay agad na nasawi bago pa ito makarating sa ospital bunga ng mga tama ng saksak sa katawan.

Nag-ugat ang pagpatay nang magtalo ang biktima at kainuman nitong suspect na si Sonny Manga sa may kahabaan ng Kaliraya St., ganap na alas-7 ng gabi.

Sinasabing nakikipag-inu­man ang biktima sa suspect at isa pang lalaki na nakilala sa alyas na Gil nang magtalo umano ang dalawa.

Diumano, tinatanong ng biktima sa suspect ang sukli na ipinatabi niya dito na siyang­ ikinagalit ng huli. Dahil dito, agad na tumayo ang suspect na lango na sa alak at pinagsasaksak sa katawan ang biktima.

Matapos ang krimen ay agad na tumakas ang suspect, habang ang biktima naman ay isinugod sa East Avenue Medical Center, pero hindi na rin ito umabot pa ng buhay.  

Show comments