2 binata tinarakan ng kapitbahay

Manila, Philippines - Kapwa nasa kritikal na kondisyon ang dalawang binata matapos pagsasaksakin ng dalawang lasing na kapitbahay dahil sa hinala ng mga huli na sila ang pinagtatawanan ng mga una sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kapwa inoobserbahan sa East Avenue Medical Center sanhi ng mga saksak sa katawan ang mga biktimang sina Joseph Buhain, 19; at Wendel Naig, 16, ng Llano Road, Llano ng nabanggit na lungsod.

Nakakulong naman sa Caloocan City Police detention cell ang mga suspek na sina Jarrell Mahistrano, 25 at Jhun Ray Ilado, 17 at kapwa kalugar ng mga biktima.

Base sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi habang kakwentuhan ng mga biktima ang mga kaibigan sa nasabing lugar nang lapitan ng mga suspek at sinabihan na bakit sila pinagtatawanan ng mga una.

Nangatwiran si Buhain na naging dahilan upang sapakin ni Mahistrano at nang makitang kakasa ang mga biktima ay nagbunot ng patalim ang mga suspek bago pinagsasaksak ang mga biktima.

Agad namang nadakip ng mga tanod ang papatakas na sanang mga suspect.

Show comments