Manila, Philippines - Isang engineer ang natangayan ng sasakyan matapos na lansihin ng isang naka-motorsiklo sa estilong nabundol nito ang kanyang sasakyan at sa pagbaba ng una ay siya namang sakay sa kanyang sasakyan ng kasabwat ng suspect at tuluyang itinakas sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Nakilala ang nabiktima na si Ronald Gelera, 41 ng E. Rodriguez St., Concepcion, Marikina City.
Natangay kay Gelera ang kanyang Hyundai Accent model 2011 na kulay puti (PQK-637).
Ayon sa ulat, dalawang suspect ang tumangay sa sasakyan ng biktima sa kahabaan ng Aurora Boulevard malapit sa LRT Anonas Station, Brgy. Bagumbayan, Project 4 sa lungsod ganap na alas-11:20 ng gabi.
Nangyari ang insidente habang sakay ng kanyang kotse ang biktima at tinatahak ang naturang lugar.
Ilang sandali, bigla na lamang umanong sumulpot ang isang motorsiklo at binangga ang sasakyan ng biktima. Dahil dito, napilitan si Getera na huminto at bumaba ng kanyang sasakyan para tingnan ang damages na dulot ng pagkakabangga.
Pero, pagkalabas ng biktima ay bigla itong tinutukan ng baril ng isa sa mga suspect at hiningi ang susi ng kotse sa kanya, bago sinakyan ito at itinakas patungo sa Marikina City.
Nabatid na ganito na ang bagong istilo ng mga carjackers na ibinabala ng pulisya.