MANILA, Philippines - Patay ang isang 5-anyos na totoy matapos itong salpukin ng isang sasakyan sa Malabon City kamakalawa. Nakilala ang biktima na si Maximus James Aguiliz Gabuat, ng University Avenue, Brgy. Potrero ng nabanggit na lungsod. Sumuko naman sa mga pulis ang nakasagasa na si Niño Gutierrez, driver ng Isuzu Altera (ZHG-138).
Base sa inisyal na report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon habang binabagtas ng suspek ang kahabaan ng Guava Road, Brgy. Potrero nang biglang tumawid ang biktima. Hindi na umano naiwasan ng driver ang biktima kaya nasalpok ito at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo na naging dahilan ng kanyang kamatayan.