MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ni Interior and Local Government Secretary Jesse M. Robredo kay PNP chief Gen. Nicanor Bartolome ang opisyal na pagsibak sa tungkulin ng isang pulis na aroganteng tumangging magbigay ng daan sa convoy ng Pangulong Benigno S. Aquino III noong July 17, sa lungsod Quezon.
Ayon kay Robredo, hindi makakapagkaila si SPO2 Ricardo Pascua na siya ay dalawang beses nang na-dismiss noong 2000 sa magkahiwalay na People’s Law Enforcement Board (PLEB) sa Quezon City, kung saan nagawa niyang ayusin ang isang kaso at balewalain ang isa pa.
Ang direktiba kay Bartolome ay makaraan ang pagpupulong ng NAPOLCOM nitong nakaraang Martes sa Makati City sa pangunguna ni Commissioner Eduardo Escueta para pag-aralan ang lahat ng butas at posibleng kapabayaan, at kumuha ng bagong pamamaraan sa pag-iisyu at pagpapatupad ng dismissal order sa pulisya.
Nito lamang nakalipas na July 17, si Pascua ay sinibak sa puwesto sa QCPD Station 4 sa Novaliches, Quezon City, matapos mahuling nagmamaneho ng walang lisensya, nagkabit ng sirena o wangwang sa pribadong sasakyan, at paglalagay ng hindi tama sa plaka ng kanyang sasakyan.
Bukod sa kaso ng Napolcom at ang administratibo at kriminal, at kanya umanong maling gawa, si Pascua ay nahaharap din sa iba pang kasong kinasasangkutan nito kay SPO2 Randy Torres, isa sa presidential motorcycle security escorts na nasagi niya habang pinahihinto siya sa pagmamaneho ng kanyang Mitsubishi Adventure van (ZJK-679).