Holdaper bulagta sa parak

MANILA, Philippines - Patay ang isa sa tatlong hinihinalang holdaper matapos na makipagpalitan ng putok sa mga pulis kahapon ng madaling-araw sa Sta. Cruz, Maynila.

Inilarawan  ang nasawing suspect na nasa 30-anyos, may taas na  5’5’’, katamtaman ang pangangatawan at tadtad ng tattoo sa katawan, nakasuot ng itim na t-shirt na may pula at puting stripes, naka-short pants at armado ng kalibre 38 na baril.

Dakong alas-2 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa kanto ng Tayuman at Apitong Sts., sa Sta. Cruz.

Nabatid na nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng MPD-Anti-Crime Unit nang mamataan ang dalawang biktima ng holdap na sina Princess Garcia, 26; at Adreni Serame, 35.

 Humingi ng  tulong ang  dalawang biktima sa mga pulis na agad namang nagresponde.

Hinabol ng mga pulis ang papatakas na suspect, gayunman nang makita ng mga ito na paparating na ang mga pulis ay agad na nagpaputok ng baril dahilan upang  gumanti  ang mga awtoridad at nagresulta sa pagkamatay ng  isa sa mga suspect. Tugis­ naman  ngayon ng  mga pulis ang dalawang  nakatakas.

Show comments