MANILA, Philippines - Nabulabog ang ilang mga commuters ng Light Rail Transit (LRT) sa Aurora Blvd. sa lungsod Quezon matapos na matagpuan ang isang granada malapit dito, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay Insp. Noel Sublay, hepe ng Explosive Ordnance Division ng Quezon City Police District, ang MK2 hand fragmentation granade na nakita ng dalawang streetsweepers ay wala nang fuse.
Sinasabing natagpuan ang nasabing granada na nakalagay sa isang plastic bag sa may panulukan ng Aurora Blvd. at Pittsburg St., ganap na ala-1:17 ng hapon.
Sinabi ni Sublay, nang makita ng dalawa ang granadang laman ng plastic ay iniwan na lang nila ito sa may center island malapit sa panulukan ng EDSA at Aurora Blvd.
Matapos nito ay ipinagbigay-alam ng dalawang streetsweeper sa barangay na siya namang tumawag ng tulong mula sa QCPD.
Agad namang rumesponde ang team ng EOD at maingat na kinuha ang bomba para hindi na magkaroon ng panganib sa publiko.
Gayunman, sabi ni Sublay, bagama’t wala na ang ibang parte ng granada, maaari pa umano itong sumabog kapag nailagay sa mainit na temperatura.