Mag-asawang Chinese patay sa tandem

MANILA, Philippines - Patay ang mag-asawang  Chinese matapos  na   pagbabarilin ng riding-in- tandem habang ang mga biktima ay sakay ng kanilang sasakyan sa harap ng isang restaurant sa Pasig City, kahapon ng tanghali.

Kinilala ang mag-asawang biktima na sina Bien­venido Tan at Nelia Tan,   ng Felipe St., Brgy. Bagong Ilog, Pasig City.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Randy Aurelio ng Pasig City Police, nabatid na ang insidente ay na­ganap dakong alas-12:00 ng tanghali sa parking lot ng Barrio Fiesta Restaurant na matatagpuan sa Marcos Hi-way, Brgy. Dela Paz sa lungsod.

 Ayon sa report, kasa­lu­kuyang ipinaparada ng mag-asawa ang kanilang Toyota Innova (ZNT-210) para sana kumain nang biglang sumulpot ang dalawang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima.

Kapwa nagtamo ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan ang mag-asawa na siyang dahilan ng agaran nilang kamatayan.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga salarin sakay din ng kanilang motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.

Narekober ng mga awto­ridad sa lugar ng krimen ang limang basyo ng bala ng kalibre 45 baril.

 Hindi pa batid ng pulisya ang motibo ng ginawang pa­mamaslang sa mag-asawa at ngayon ay nagsa­sagawa na ng masusing imbes­tigasyon.

Show comments