MANILA, Philippines - Tatlo-katao na sinasabing notoryus na tulak ng bawal na droga, kabilang ang isang malapit na kamag-anak ng prominenteng politiko ang nadakma sa inilatag na buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Ususan Taguig City noong Sabado ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Tomas Apolinario ang mga suspek na sina Elisa Tiñga, alyas Ely, 53, ng Kalayaan Street, Brgy. Ususan; Andrea Escalante at si Daniel Datinggaling na pinaniniwalaang mga miyembro ng Tiñga Drug Syndicate.
Sa ulat ng pulisya, naaresto ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation noong Sabado ng gabi kung saan nakumpiska ang 17 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P290,000.
Samantala, kasama naman sa listahan ng pulisya ang nakakalaya pa ring mister ni Elisa na si Noel Tiñga na sinasabing pinsan ng isang politiko sa nasabing lungsod.
Si Elisa ang ikapitong miyembro ng sindikato na naaresto na ng pulisya noong 1996 kung saan kauna-unahang bumagsak si Hector Tiñga.
Noong Enero 2007, nadakip naman ng Southern Police District ang isang Bernardo Tiñga habang naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency sina Fernando, Allan Carlos at Alberto Tiñga. Noong 2008, nadakip naman ang isa pang miyembro ng sindikato na si Joel Tiñga.