Mister naglaro ng baril, patay

MANILA, Philippines - Bulagta ang 48-anyos na mister matapos pumutok ang baril na kanyang pinaglalaruan sa loob ng kanilang tahanan sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Idineklarang patay sa Chinese Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala ng Magnum .357 sa ulo ang biktimang si Roberto Julian ng Guido Street, Maypajo sa nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, nabatid na dakong alas-12:10 ng madaling-araw, nakita ng anak ng biktima na nilalaro nito ang baril sa  loob ng kanilang kuwarto.

Bumaba ang anak upang sabihin sa ina ang nakita, subalit bigla na lamang silang nakarinig ng malakas na putok ng baril.

Agad na pinuntahan ng mag-ina sa kuwarto ang biktima kung saan natagpuang nakabulagta ito hawak pa ang baril.  

Show comments