MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang asar-talo ang isa sa ugat kaya pinagbabaril at napatay ang bisor ng condominium ng 28-anyos na security guard sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Napuruhan sa tagiliran at binawian ng buhay sa Perpetual Succor Hospital ang biktimang si Wilfredo Rayzo, 41, supervisor ng maintenance service ng University Tower 2-Galicia sa Sampaloc, Manila at nakatira sa #46 Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro, Project 8, Quezon City.
Samantala, nasakote naman ang suspect na si Leonilo Flores ng #1261 Mataas na Lupa, Paco, Maynila.
Sa ulat ni PO2 Crispino Ocampo ng Manila Police District-Homicide Section, nagsimula ang iringan ng dalawa nang sitahin ng suspek ang biktima na unahing dakutin ang mga basura.
Minasama ng biktima ang tinuring ng suspek kaya malimit asarin nito hanggang sa mauwi sa mainitang komprontasyon kung saan naawat naman ng kanilang kasamahan.
Dito na nagsimulang asarin ng biktima ang suspek na humantong sa pamamaril. Dahil sa insidente, mismong ang opisyal ng security personnel ang umaresto sa suspek bago pinigil sa kanilang barracks at isinurender sa pulisya.