Manila, Philippines - Muli na namang sumalakay ang kilabot na riding-in-tandem makaraang pagbabarilin at mapatay ang isang pulis-Maynila, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Hindi na naisalba ng mga manggagamot ng San Juan de Dios Hospital dahil sa mga tama ng bala sa katawan at ulo ang biktimang si PO2 Jesus Lapuz, nakatalaga sa Manila Police Traffic Bureau.
Sa ulat ng Pasay City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-9:48 ng umaga sa service road ng Roxas Boulevard malapit sa Japanese Embassy.
Nabatid na lulan din ng motorsiklo si Lapuz at napansin ang mga salarin na riding-in-tandem kung saan sinita niya ang mga ito dahil ang isa ay hindi nakasuot ng helmet.
Habang sinisita ng biktima, pinaharurot ng mga suspek ang sinasakyang motorsiklo hanggang habulin ito ng parak at nang abutan ay dito na bumunot ng baril ang nakaangkas na salarin at sunud-sunod na pinaputukan si Lapuz na sumemplang.
Nakabunot pa umano ng baril ang biktima at tinangkang gumanti ngunit tuluyan nang nawalan ng ulirat.
Agad naman itong sinaklolohan ng mga nakasaksing tao sa lugar at isinugod ito sa pagamutan.
Nakuha naman sa tabi ng motorsiklo ni Lapuz ang isang identification card na may marking www.express sa pangalan ng isang Allan Centeno na hinihinalang nahablot ng pulis buhat sa isa sa mga salarin.