Elem. pupil sinaksak ng high school student

MANILA, Philippines - Isang 13-anyos na ele­mentary student ang sugatan matapos na makursunada­hang saksakin ng isa sa tatlong high school student sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Sa ulat ng Police Station 5 ng Quezon City Police, na­kilala ang biktima na si Rinner Leonardo, estudyante ng North Fairview Elementary School, at residente ng Block 2, Lot 11, Labayani St., Brgy. North Fairview sa lungsod.

Inaalam pa ng pulisya ang mga pangalan ng mga suspect na pawang mga high school student na nanakit sa biktima.

Sa ulat ni PO3 Jesus Mansibang, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Laba­yani St., malapit sa waiting shed ng North Fairview ganap­ na alas-12 ng tanghali. Nang oras na mangyari ang insidente ay may pasok sana sa klase ang biktima at mga suspect pero nag-cutting class umano ang mga ito para mamingwit ng isda sa ilog sa Kambal Tulay.

Sinasabing kasama ng biktima ang apat pang ka­klase sa pamimingwit ng isda. Ayon sa kasamahan ng biktima, pagsapit ng grupo nila sa may Labayani St. sa nasabing lugar bigla na lamang umano silang sinalubong ng isa sa mga suspect at sinuntok ang biktima sa ulo, habang ang isa naman sa mga ito ay nagbunot ng pa­talim at sinaksak ang biktima sa sikmura saka nagsipagtakas.

Agad namang itinakbo sa East Avenue Medical Center ang biktima para malapatan ng lunas.

Show comments