MANILA, Philippines - Natimbog ang sinasabing isang miyembro ng “Dugo-dugo gang” sa isinagawang entrapment operation ng mga pulis sa Valenzuela City kamakalawa.
Nakilala ang suspek na si Arnel Faustino, 36, ng F. Cruz St., Brgy. Tangos, Navotas City.
Ayon sa imbestigasyon ng Valenzuela City Police, nabatid na bibiktimahin ng grupo ni Faustino ang katulong ni Jennifer Nieto, 36, na si Emma Randon, kapwa ng T. de Leon St., Brgy. Karuhatan ng nabanggit na lungsod subalit nakatunog at lumapit sa mga pulis ang mga biktima.
Kung kaya’t nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis dakong alas-4:00 ng hapon sa MacArthur Highway at nang iabot ni Randon ang bag na may laman na P300,000 sa suspek ay agad na dinamba si Faustino.
Inaalam pa ng mga pulis kung sino pa ang mga kasama ni Faustino.