MANILA, Philippines - Sinimulan na kahapon ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang pagde-deploy ng mobile at motorcycle patrol units sa mga kritikal na bahagi ng 17 kilometrong kahabaan ng Efipanio de los Santos Avenue sa Metro Manila kaugnay ng implementasyon ng yellow lane.
Ayon kay PNP-HPG Director P/Chief Supt. Leonardo Espina, ang hakbang ay bilang suporta sa Metro Manila Development Authority (MMDA) upang matiyak na maayos na maipatutupad ang yellow lane operations.
Sinabi ni Espina na titiyakin ng kanyang mga tauhan na idineploy sa EDSA na maayos na maipatutupad ang daloy ng trapiko sa lugar kung saan ay nakipagkoordinasyon na sila sa Metro Manila Development Authority (MMDA).
Nabatid na ang mga mobile at motorcycle patrol units ay idineploy sa kahabaan ng intersection ng EDSA sa Quezon Avenue, Cubao at Santolan Avenue; Quezon City at Edsa-Ortigas intersection sa Mandaluyong City.