MANILA, Philippines - Matapos ang 23 taon mula nang maipasa, hindi na umano angkop ang ilang probisyon ng ordinansa ukol sa “yellow lanes” sa EDSA na nararapat nang amiyendahan, ayon sa Metro Bus Association (MBA).
Sinabi ni MBA spokesperson Atty. Grace Adducul, buhat nang maipasa noong 1989, napakarami nang pagbabago sa EDSA at sa bilang ng mga bus na bumibiyahe dito kaya hindi na akma na isiksik lahat ng uri ng bus sa yellow lanes at pagbawalan na dumaan sa flyovers at tunnels.
Nilinaw ni Adducul na handa silang sumunod sa nilalaman ng batas ngunit hiling nila na magkaroon ng “variations” na makakabuti sa panig ng mga bus operators, motorista, taga-pagpatupad ng batas tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng mga pasahero.
Iginiit rin nito na hindi sila nabigyan ng maagang abiso ng MMDA sa pagpapatupad ng “yellow lanes” nitong Lunes kaya nagkaroon ng kalituhan sanhi ng lalong pagsisikip ng daloy ng trapiko sa EDSA.
Sa panig naman ng mga mananakay, sinabi ni National Council for Commuters Protection (NCCP) president Elvira Medina na galit na galit ang mga mahihirap na pasahero na nagko-commute sa nilikhang problema ng MMDA. Sinabi ni Medina na napaka-“inconsistent” umano ng MMDA sa pagpapatupad ng kanilang mga polisiya habang idinamay pa ang mga maliliit na pasahero sa aksidente na iilan lamang ang gumawa.
Nakatakdang magpadala naman ng liham ang NCCP kay Chairman Francis Tolentino upang kuwestiyonin ang ipinapatupad na panuntunan.
Gayunman, agad na binago ng MMDA ang polisiya nang payagan na makadaan na ang mga provincial buses sa mga flyovers habang istriktong bawal ang mga ito sa mga tunnels. Sinabi ni MMDA asst. general manager for operations Emerson Carlos na sa “peak hours” o mula alas-6-10 ng umaga at alas-5 hanggang alas-9 ng gabi lamang pinapayagan na makadaan ang mga ito sa flyovers.